Isang press conference ang ipinatawag ng APT Entertainment, Inc. kunsaan ang ipinadalang text-invite sa imbitadong media ay may nakasaad na “very important announcement.”
Ginanap ang press conference kahapon, April 27, sa Luxent Hotel sa may Timog Avenue, Quezon City.
Halos lahat sa entertainment press ay nagulat nang malaman na ang announcement na iyon ay ang pagiging isa nang talent ng Triple A (AAA) ng Primetime Queen ng GMA-7 na si Marian Rivera.
Ang AAA ay ang talent arm ng APT Entertainment na pinamamahalaan ng TV and film executive na si Mr. Tony Tuviera.
Bungad ni Marian sa media, “Alam ko nagulat kayo, pero lahat 'yan, sasagutin ko.”
PARTING WAYS. Agad ding kinumpirma ni Marian na umalis na siya sa poder ng manager niyang si Popoy Caritativo.
Aniya, “Opo, wala na ako kay Popoy at under na po ako sa Triple A na pag-aari po ni Mr. Tuviera.”
Ayon pa sa aktres, "nagbabalik" lang siya sa taong nakadiskubre at unang nagbigay sa kanya ng break.
“Siyempre, hindi naman lingid sa kaalaman ninyo na galing ako kay Mr. T [bansag kay Mr. Tuviera]. Siguro, nagbabalik lang ako kung saan ako nagmula."
Si Mr. Tuviera ang unang nagbigay ng break kay Marian sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng lead roles sa afternoon soaps noon ng APT Entertainment na ipinalabas sa GMA-7: Kung Mamahalin Mo Lang Ako (2005), Agawin Mo Man Ang Lahat (2005), at Pinakamamahal (2006).
Nang tanungin kung ano ang dahilan kung bakit kumalas siya sa poder ni Popoy ay tumangging magbigay ng detalye si Marian.
0 comments:
Post a Comment